Wednesday, April 4, 2012

Pagal na isip, puso, katawan at kaluluwa

Hikbi ngayon ang namamayani sa aking hilahil na isip. Maraming mga bagay sa aking gunamgunam ang tila isang larong tumatakbo at nagpapasirko-sirko. Saan na nga ba papunta ang aking buhay na tila pagal na sa paglakad sa malubak, mabato at puno ng patibong na daan. Makailang beses akong nadapa, nasugatan at nagalusan para lamang maabot ang tinutunton na rurok ng tanikalang aking nasisilayan mula rito sa aking kinatatayuan. Nasaan na nga ba ang dating puno ng pangarap, puno ng idealismo na unang tumungtong sa daan na ito. Heto na nga ba ang sinasabing sanga-sangang daan?

Hikbi ngayon ang namamayani sa aking hilahil na puso. Kung dati'y halos ibigay ko ang lahat para masabi kong nagawa ko ang mga dapat kong gawin ay tila isa na lamang alikabok na humalo sa hangin. Asaan na nga ba ako na ngayon ay dumadaan sa isang sangang landas na tila hindi ko mawari kung saan papunta ang bawat isa. Tila natatakpan ng mga ulap ang tanikalang aking tinatanaw.

Hikbi ang namamayani sa aking katawan. Halos kahit gaano akong magpakakuba sa aking paggapas ng palay ay tila hindi ko pa rin naaani ang bigas. Ang dating kalabaw at ararong tumutulong sa aking pag-ani'y naglaho na sa palayan at tila may iba sinasaka nang lupain. Asaan na kaya silang mga dating gabay ko sa pagtahak papunta sa tanikala.

Hikbi ngayon ang namamayani sa aking hilahil na kaluluwa. Oo, ang aking kalul'way tila isang pusang gala muling nag-aamot ng kaunting pansin. Tila sa aking pag-aabang ay bigla ko na lamang naiyukayok ang ulo ng matagal na panahon. Sabay sambit sa mga aba ang aking malamyos na himig, ako ba'y tila isa lamang galang kaluluwa sa ibabaw ng lupa?

Sa gitna ng aking mga hikbi, may isang tila malaking boses na ibinubulong sakin ang isang bagay na hinding hindi ko malilimutan, yun ay ang paggalaw ng aking mga kamay para damputin ang isang karit na siyang tatapos sa lahat ng hikbi, hilahil at pagkapagal....

Friday, June 17, 2011

Isinusulat ko ang Buhay ko!

Isang malaking karangalan sa akin ang mapili bilang isang manunulat sa telebisyon. Biruin mo ba naman, sa halos isang laksang taong nangangarap na maging isang writer, ako ang pinalad na mapabilang sa pinaka-respetadong news organization sa bansa.

Pero kung tutuusin, wala ni sa hinagap na pinangarap kong maging isang manunulat. May mga pagkakataon lang naman sigurong bumabasa ako ng script ng mga kasamahan ko at nakikinig sa mga balita.

May ilang kaibigan ako ang nagsabing maswerte raw ako't may maganda na akong posisyon sa ngayon. Pero gusto kong sabihin, hindi lang ito basta swerte. Dahil dugo't pawis ang binuhos ko para kunin ang mga tinatamasa ko ngayon. Salamat sa lahat ng mga taong nakasalubong at sinamahan ako sa pag-abot ng lahat ng ito. Dahil sila ang nagpamulat sa akin na hindi kailangang maging magaling magsalita para masabing isang magaling na manunulat din.

Aaminin ko, hindi ako magaling mag-organisa ng mga salitang lumalabas sa aking bibig. Minsa'y utal-utal pa ako at may pagkakataong ayaw ko lang magsalita. Pero ito ang mga bagay na naging iba sa akin sa lahat ng mga gustong maging manunulat... Hindi lang ako sa salita, kundi dinadaan ko sa gawa!

Ngayon, masaya ako dahil kahit paano'y sa mga letrang pinipindot ko sa keyboard ay lumalabas ang aking mga ideya, at gustong ipahayag na hindi kayang sabihin ng salita. Higit na mas makapangyarihan ang mga letrang binubuo kaysa sa mga salitang lumalabas sa bibig. Dahil ang salita, minsa'y nakakalimutan na, pero ang mga naisulat na ay mananatiling nakatago sa mga archive.

Hamon ko sa mga gustong maging manunulat... Huwag lang basta sabihin na "Gusto kong maging writer" kundi "Tutuparin ko ang pangarap ko" Nawa'y ang isinulat kong buhay ko ay maging buhay rin ng iba.